Ikalabing-dalawa ng Pebrero, taon ng dalawang libo at
pito.
Kasalukuyang parte ng kasadsaran ng traffic sa Pilipinas.
Ang dapat na madilim na gabi ay lumiliwanag dahil sa
iba’t ibang ilaw hatid ng sari-saring mga sasakyan sa kalsada. Bilang ang para
sa mga mayayaman. Madami ang para sa may kaya at mahihirap. Pare-parehong
bumubuga ng maiitim na usok galing sa maduduming tambutso ng mga ito.
Kanya-kanyang pila. Kanya-kanyang busina na may halong inis dahil sa
usad-pagong na andar ng mga kapwa sasakyan na magagaling sumingit sa makitid na
daan.
Ang mga musmos na bata ay naglalaro sa gilid ng kalsada.
May mga bakas ng totoong ngiti sa kanilang mga labi. Masasaya. Mga inosente.
Mga walang iniisip. Mga walang pakialam.
Sa loob ng isang maliwanag na Jeepney na naiilawan din ng
sari-saring kulay na hatid naman ng mga maliliit na bumbilya, puno ng
kaniya-kaniyang paksa ang tahimik na tumatakbo sa mga utak ng mga taong
nakasakay rito. Kaniya-kaniyang emosyon. Kaniya-kaniyang kwento ng buhay.
Kaniya-kaniyang problema na dapat lutasin. Kaniya-kaniyang misyon na dapat
gawin.
Sa dulo ng Jeep, isang lalaki at isang babae na
magkakilala ang magkatabi at mahinang naguusap tungkol sa mga nangyari sa
kani-kanilang araw. Mga estudyante sa isang unibersidad ng kolehiyo. Sa
matatamis na tinginan at masasayang ngiti ng mga ito, pawang unti-unti ay
nagkakahulugan sila ng loob.
Katabi ng mga ito ang isang babaeng may kalusugan.
Mag-isa ito at hindi mapigilan ang sarili na makatulog dahil sa sobrang pagod.
Base sa kanyang unipormeng suot, isa siyang empleyado sa isang mall. Ang bawat
hininga na kaniyang inihihinga, ang bawat dahan-dahang pagmulat ng kaniyang mga
mata sa tuwing magpepreno ng biglaan ang jeepney at ang bakas ng pagkapagod sa
kaniyang mukha ay pawang nagpaparating na siguro ay sawa na siya sa
pang-araw-araw na ginagawa upang makakuha lamang ng pera.
Katabi naman nito ang isang ina na pawang may malalim na
iniisip. Siguro ay may sakit ang kaniyang anak o kaya naman nagiisip kung ano
na ang mga nangyari sa mga ito dahil wala siya sa bahay upang ito’y bantayan.
Katabi nito ang isang napakagandang dalaga. May dala-dala
itong malaking bag na nakapatong sa mga hita nito. Pasimpleng nagtetext. Siguro
ay nagpapasalamat sa mga kaibigan nito pagkatapos ng isang masayang araw ng paglangoy
sa isang resort.
Katabi naman nito ay isang kalbong lalaki. Nakaputi ito.
Nakikita ko sa kaniya ang isang pamilyar na itsura na nakatatak sa balot ng
isang klase ng bareta ng sabong panglaba. Dala nito ang isang masayang aura.
Nakangiti. Siguro wala silang away ni misis. O kaya naman nakatanggap ng bonus
galing sa boss nito.
Kaharap nito ang dalawang babaeng masayang
nagkukwentuhan. Nasa edad bente anyos na ang mga ito kung titignan. May halong
kilig ang mga tawanan nila. Siguro ay sinurpresa ng kasintahan ang isa sa
kanila at kinikilig na kinukwento ang mga nangyari sa kanyang matalik na
kaibigan.
Katabi ng isa sa mga ito ang kasasakay palang na maliit
na babae. Ngunit may pusong lalaki. Masaya din ang aura nito tulad ng Mr.
Malinis. Siguro ay natanggap na din ng kaniyang mga magulang ang tunay na siya
o kaya naman ay sinagot na siya ng babaeng nililigawan niya.
Katabi nito ang isang matipunong lalaki. Astig ang
dating. Singkit at maputi. Seryoso at parang pagod. Namumula ang mga mata nito.
Parang sabog. Siguro ay nakainom ito ng alak. Siguro ay naghiwalay sila ng
kaniyang kasintahan.
Katabi naman nito ang isang babae na parang sabik na
makauwi sa munting tahanan at makasama ang pamilya. Siguro ay binigyan ito ng
day-off ng kanyang amo.
Sa may unahan ng jeepney, si manong driver ay panay ang
sigaw ng mga katagang “Zapote! Zapote! Maluwag pa! Zapote!” Siguro ay pagod na
naman siya. Siguro ay hindi pa umaabot ang kita niya para sa boundary ng
minamaneho niyang jeep. Siguro ay naiinis na din siya dahil sa tindi ng traffic
sa Pilipinas.
Sa kabilang dulo ng jeep ay ako ang nakaupo. Naiinis na
dahil sa usad-pagong ng galaw ng mga sasakyan at sinabayan pa ng nagrereklamo
kong sikmura. Natutuyo na ang laway dahil sa walang makausap. Durog na ang utak
sa kakaisip kung mali ba talagang magkagusto sa isang lalaki na talaga namang
pakiramdam ko ay may malaking parte sa aking buhay ngunit ngayon ay ligal ng
nakatali sa buntis na misis sa pangalawang anak nila.
Ang dapat na madilim na gabi ay lumiliwanag dahil sa
iba’t ibang ilaw hatid ng sari-saring mga sasakyan sa kalsada. Bilang ang para
sa mga mayayaman. Madami ang para sa may kaya at mahihirap. Pare-parehong
bumubuga ng maiitim na usok galing sa maduduming tambutso ng mga ito.
Kanya-kanyang pila. Kanya-kanyang busina na may halong inis dahil sa
usad-pagong na andar ng mga kapwa sasakyan na magagaling sumingit sa makitid na
daan.
Ang mga musmos na bata ay naglalaro sa gilid ng kalsada.
May mga bakas ng totoong ngiti sa kanilang mga labi. Masasaya. Mga inosente.
Mga walang iniisip. Mga wala pang pakialam. Wala pa.