Isang Gabi ng Kagalakan

Maglalabas lang ako ng saya. Astig. Astig tong gabing to. Naiwan ata ako ni Idol sa alapaap dahil hanggang ngayon, lutang pa din ako. Walang tatalo. 

Tinapos niya na ang concert matapos kantahin ang 16th song na "Huling El Bimbo". Nalungkot ako bigla. Akala ng lahat tapos na. Naki-isa ako sa pagsigaw ng "Ely! Ely! Ely!" kahit paos na paos na ko. 

Napabuntong-hininga na lang ako ng walang Ely Buendia na bumalik sa entablado pero napaiyak ako ng biglang nagsigawan ang mga liyon, ramdam mo ang saya ng mga ito. Bumalik si Idol sa entablado dala-dala ang brown na gitara. Syet na malagket! Kinanta niya ang dalawa sa pinakapaborito kong kanta ng Eraserheads. Napangiti ako kasabay ang pag-iyak. Ramdam mo ang pakiramdam ni Idol sa paraan ng pagkanta niya. Astig talaga. 

OA nga siguro na mapaiyak sa isang concert pero di ko na napigilan. Wala akong ibang masabi kundi, ASTIG TALAGA. Worth it ang P300.00. Ang malas ng mga taong hindi nakapunta at hindi ginustong pumunta. Wala silang matinog maidadahilan sa pagkakataong ito dahil sila ang talo. Hindi nila naranasan maging parte ng napakasayang pangyayari. Walang kang kupas Idol Ely Buendia! Mabuhay ka! Sa susunod sa pagkakataon, makakapagpa-autograph na po ako sa inyo! Pangako!

Isang napakagandang gabi para sa inyong lahat! Kita-kita sa alapaap! <3

Ang Pagbabalik

Break it to me gently if you have to say goodbye. Ang kantang kasalukuyang ipinapakinig sa radyo (seryoso to, no joke) habang pinipindot ko ang mga letra na nakatatak sa isang bagay na nakakonekta sa parisukat na kaharap mo ngayon. Hindi ko alam kung nagkataon lang o sadyang napapansin ko na ang awit na ito dahil sa nangyaring "bakasyon" sa loob ng tatlong araw.

Tatlong araw nagbakasyon ang aking diwa sa isang lugar na hindi ko malilimutan. Isang lugar na pamilyar na sa akin dahil pangalawang beses ko na ito natuluyan. Malamig. Maaliwalas. Tahimik. Payapa. Halatang pinag-gastusan. Halatang pinangangalagaan.

Tatlong araw na sinulit ang mga NAPAKAsarap na pagkain na luto ng mga napakabait na kusinero sa balat ng lupa (isang napakasarap na salamat po para sa inyo mga kuya! Apir po!) at kasabay nito ang sulit na sulit na  pag-gamit ko ng trono sa loob ng banyo. SULIT! (Sorry po sa mga naka-amoy. Pag pasensyahan niyo na ho, hindi ko na ho napigilan lumabas ang aking mga sama ng loob.)

Tatlong araw kong din narinig ang nakakagutom at maala-ice cream na tunog ng bell sa tuwing tambay taym at kainan taym (dalawa sa paborito kong taym na naganap sa bakasyong ito) na. Sa tuwing naririnig ko ito dati, nadidismaya ako kasi ibig sabihin gising taym na naman ngunit sa pagkakataong, may halong saya (dahil kainan na naman) at lungkot (dahil unti-unting ipinapadama nito na ilang oras na lang, uuwi na kami) ang aking naramdaman.

Tatlong araw ko din nakasama ang mga taong nagkaroon na ng espesyal na lugar sa aking puso (naks!) na alam ko, sigurado ako na hindi na ito mabubura. Ang nakakainis lang na katotohanan, huling beses na namin makakasama ang isa't-isa para sa isang bakasyon na tulad ng nangyari sa nakalipas na 48 oras ng aming mga buhay. Nakakalungkot. Maiiwan pa nila ako, ouch! </3 Pero okay lang yan.  Hindi naman ako nag-iisa, may iba ding maiiwan. Hohoho! >:D

Pero ang mas sulit sa lahat, nalinawan ako sa mga bagay na dati ay malabo.  Nagkaroon ako ng bagong kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa aking sarili at sa mga tao sa aking paligid. Kung ano ang mga dapat gawin at hindi dapat gawin pagdating sa buhay pag-ibig (ayiieee!) at ang pagkakataon na patawarin ang aking sarili para makapagpatawad ng mga taong may nagawang mali laban sa akin. Astig. Naging mas matakaw ako kesa sa dating "matakaw" na ako (isang bagay na hindi ko mawari kung tama ba o mali). Ngunit naging mas ok ako kesa sa "ok" na dating ako.

San Beda College Alabang kasama ang CAS-Campus Ministry, isa pong malaking APIR para sa matagumpay na Retreat para sa taong 2012. Ipina-realize niyo po sa ibang classmate ko na kaya po nilang tuparin ang kanilang natatagong pangarap, ang kumanta tulad ni Jacky Evancho at makipag-debate katulad nila idol Henry Lowe, Samantha Book (with an e) at James Farmer Jr. Pero higit po sa lahat, astig po kayo dahil na-stamp po sa akin ang mga bagay na nais ninyong tumatak. Pipilitin ko pong panatilihing malinaw ang stamp na ito sa aking isip at puso habang-buhay. Huwag ho kayong mag-alala, last ko na ho ito. Salamat po ulit ng super duper! Astig po kayo!

So paano ko nga ba tatapusin ang salaysay na ito? Hindi ko din alam. Siguro, gagayahin ko na lang iyong kanta ng Parokya ni Edgar na The Yes Yes Show. Kaya ganito na lang, bigla-biglang mawawala.
(kruu-kruu. kruu-kruu. kruu-kruu.)

P.S. Para sa aking mga mahal na blockmates, humihingi ako ng tawad sa mga nakuhaan ko ng picture habang kayo ay natutulog sa bus. Ang cute niyo kasi e. Muli, sorrryyy! <3

Ang Labo Mo!

Alam mo ba kung ano ang mali sa iyo?

Yun ay ang pagiging hindi mo totoo sa sarili mo.

Hindi naman sa nangingi-alam ako sa buhay mo, kaso sayang ka. Isa kang malaking kawalan sa mundong ito. Pinipilit mo kasing maging tulad ng mga taong gusto ng mga taong gusto mo. Ang labo diba? Parang ikaw. Malabo. Para kang isang telebisyon na hindi mapanooran ng maayos dahil walang cable na nakakabit sa iyo. Para kang isang bagay na malabo ang kuha sa likod ng kamera dahil hindi ito nakafocus sa iyo. Para kang kanta ni Rebecca Black na sa titulo palang e malabo na agad ang pasok, "Friday".

Magaling kang magpasikat ngunit hindi mo alam na mas magiging sikat ka kung magpapakatotoo ka. Magaling kang magmahal ng ibang tao sa paligid mo pero hindi mo kayang mahalin ang sarili mo. So, may pagkakaiba ka ba sa mga taong nakakita ng patay sa gitna ng kalsada ngunit walang magawa - o walang ginawa - at pinabayaan lang na nakahandusay ang patay para lalong ma-rape ng mga titig at tsismis na mga taong buhay pero wala namang buhay?

Siguro mas magiging ok kung malilinawan ka. Kung magpapakabit ka na din ng cable - kahit hindi sikat na cable network - basta lang maging malinaw ka at mapanooran din ng ibang tao na interesado sa kung ano ang totoong ikaw. O kaya magpapansin ka sa kamera sa paraang tama para maifocus naman sa iyo ang kuha at hindi ka na maging malabo pa. O kaya gumawa ka ng cover songng "Friday" pero sa pagkakataong ito, subukan mong baguhin ang ilang salita sa bawat linya ng kanta at bigyan mo ng emosyon ang bawat letra kapag ito'y aawitin mo na.

Subukan mo kaya? Tignan natin kung ano ang magiging pagkakaiba ng malabong ikaw sa malinaw na ikaw.
Sige. Bibigyan na kita ng Sneak Peek kung ano ang pwedeng mangyari: MATUTUTUHAN MO DIN MAHALIN ANG SARILI MO, SA WAKAS.

Subukan mo, wala namang mawawala e. Nakakahiya naman kasi sa iyo, baka ayaw mong tanggapin at manghinayang ka lang sa bandang huli. Kesa naman patuloy mong subaybayan ang sarili sa isang teleserye na sa bandang huli ay magiging tulad ka din ng ibang tao na walang maipagmamalaki sa mundong ito. Masasayang ka lang kung nagkataon.

Just a piece of advice, tol. Huwag kang takbo ng takbo kung wala ka namang humahabol sa iyo. Magmumukha ka lang tanga dahil nag-iimagine ka na may nakikipaghabulan sa iyo, e wala naman talaga. Sarili mo lang ang kalaban mo kaya itigil mo na ang kalokohan mo.

Bakit? Hindi ko din alam. Tanungin mo ang sarili mo. Baka siya alam niya ang sagot.

Para sa Iyo

Patawad.

Isang salita na kung aking banggitin ay medyo labas sa aking nararamdaman ngayon. Hindi ko din alam kung ito ba yung tamang salita para maipadama sa iyo yung kabang nararamdaman ko. Ngayon lang ako kinabahan ng ganito. Ngayon lang at sa unang pagkakataon, alam ko kung bakit.

Hindi ko naman ginusto ito. Ang buong akala ko, wala lang. Yun pala, malaking bagay na talaga sayo. Wala naman akong kasalanan ngunit parang ipinapadama mo na kailangan ko ng makulong sa loob ng isang libong taon dahil sa bagay na hindi naman ako ang may gawa. Hindi ako ang may mali. Wala akong kasalanan.

Pero patawad na din dahil ganito ako. Patawad dahil hindi ko mabago ang aking sarili. Hindi ganoon kadali iyon. Mahirap. Para bang nakikipagtitigan ka sa isang box ng tsokolate pero diet ka. Yung oras na katabi mo yung aso mo na nagpapapansin sayo ng naka-puppy eyes at nakikipagpustahan ka sa sarili mo na huwag silang pansinin ng buong araw. Para bang pinipilit mong hindi kiligin kapag nakikita mo yung crush mo. O yung pagkakataon na gustong-gusto mo siyang lapitan dahil malungkot siya at alam mo sa sarili mo na kaya mo siyang pasayahin ang kaso, hindi mo magawa dahil hindi ka niya kilala.

Mahirap. Sobrang hirap.

Hindi ko alam kung paano ako makakabawi. Hindi ko alam kung ano pa ang pwedeng mangyari. Hindi planado ang lahat. Hindi ko alam kung bakit naging ganito ang daloy ng alon ng ating mga buhay. Pero sana maintindihan mo na ako lang ito. Ako lang. Magka-iba tayo. At kung ikukumpara ako sa iyo, taob ako. 

Taob ako dahil isa akong walang kwentang tao.

Sa huling pagkakataon, patawad.

Si Rumo

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
maitim ito.
Mapayat kung ikukumpara sa mga kauri niya.

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
tahimik at hindi namamansin.
Ngunit hindi ko naman matiis.

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
sa tuwing magsasalita ito ay laging may tono.
Para bang laging may nais iparating.

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
minsan ay galit, minsan ay in-lab.
Minsan ay masaya, minsan ay malungkot.

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
Lagi niyang nilalagayan ng tono ang mga salitang
aking naiipon sa utak at inilalabas ng aking bibig.

Si Rumo ang isa sa mga matalik kong kaibigan,
laging nandiyan upang saluhin ang lahat
ng aking mga nararamdaman.

Si Rumo ang aking gitara,
isa sa mga matalik kong kaibigan.

Sa Pagitan Ng Mga Salita

Sino ka?
Anong pangalan mo?
Isa ka bang matinong tao?
O tulad din ng iba, may sikretong tinatago?

Okay ka lang ba?
Wala ka bang ikinababahala?
Maayos pa ba?
O lalong lumalala?

Kaya mo pa ba?
May dahilan pa ba para lumaban?
May pag-asa pa ba?
O isusuko mo na?

Gumagana pa ba ang iyong utak sa paraan na tama?
Wala ka bang nasasaktan sa mga salitang lumalabas sa iyong bibig?
Tumitibok pa ba ang iyong puso?
Humihinga pa ba ang iyong kaluluwa?

Sa tingin mo, sinong talo?
Ikaw o ang mundo?
Uulitin ko.
Okay ka lang ba?

Isang Araw

“Iha! Kami, wala pang nakukuha!” sabi ng isang tinig sa aking kaliwa.

Lumingon ako at isang mapayat na ina ang aking nasilayan. Bitbit-bitbit nito ang isang batang babae, dalawang taon kung aking titignan, at sa likod ay nakakapit sa kanang parte ng kaniyang bestida ang isa pang batang babae na marahil ay nasa limang taon na ang edad.

“Eto ho,” nakangiti at matipid kong sagot habang nakatingin sa batang babae na nasa likod ng kaniyang ina. Yumuko ito at tinakpan ang kanyang mukha gamit ang ilang piraso ng kaniyang buhok. Kinuha ng kaniyang ina ang dalawang supot na naglalaman ng iba’t-ibang klase ng tulong galing sa mga kababayan. Umalis agad ito.

Isang lola ang nakasunod sa pila. Isang pamilyar na mukha.

“Nabigyan ko na ho kayo kanina, di po ba?” nagtatakang tanong ko sa matanda. Tumango ito at sinabing, “Pwede pa bang makahingi ng isa, apo?” Umiling ako at labag sa loob na tumanggi. “Pasensya na ho, ‘la. Kung akin lang ho ito, bibigyan ko ho kayo ng dalawa pang supot. Ang kaso madami pa hong nakapila at hindi pa nabibigyan e. Pasensya na ho talaga.” Tumango ulit si lola, pilit na ngumiti.

 “La,”pabulong kong tawag, Nakakainis. Hindi ko matiis. “Wag niyo na lang ho sabihin sa iba,” sabay abot ng isang supot na agad-agad ay kinuha ng mapapayat at mabubutong daliri ni Lola. Sa pagkakataong ito, nasilayan ko ang isang bagay na nakakapagpasaya sa akin. Ang tunay na ngiti sa labi ni lola. Kung nakikita lamang ito ng mga taong tumulong para magkaroon ng laman ang supot, siguro dadami pa ang laman nito at ang mga matutulungan.

“Salamat apo. Pagpalain ka sana ng Diyos,” masayang sabi ni lola, saglit na hinawakan ang aking pisngi at tuluyan ng naglakad papalayo sa Coaster. Tumaba ang aking puso.

Dalawang oras na ang nakalipas, natapos din ang pamimigay ng Relief Goods sa mga nasalanta ng bagyo. Nakakapagod. Nakakagutom. Sumabay pa ang nakakainis na tirik ng araw. Badtrip.

Ilang saglit pa ay umandar na ang coaster na sinasakyan namin. Umupo ako sa tabi ng bintana. Puno ng putik ang lugar. Ang mga yero, ang mga sanga ng puno, ang mga gamit sa mga bahay-bahay ay nagkalat din sa daan. Nakakalungkot. Nakakapanglambot.

Gabi na ng tuluyang matapos ang Relief Operation na sinalihan ko. Dumaan pa kami sa tatlong lugar na nasalanta din ng bagyo at doon inubos ang daan-daang supot ng mga tulong at donasyon ng ating mga kababayan na may mabubuting puso. Ang sarap sa pakiramdam na kahit papaano, mayroon pa ding mga ganoong tao na humihinga sa mundong ito. Nakakalungkot nga lang isipin na sa tuwing may bagyo o isang matinding trahedya ang nangyari sa bansa, tsaka lang lumalabas ang karamihan sa kanila.  Pero mas mabuti na din siguro iyon kesa sa wala.

10:13pm. Malamig na naman sa daan hatid ng nakakalokong panahon sa Pilipinas. Kakababa ko lang sa coaster na naglalaman ng mga taong may lakas ng loob para tumulong sa mga kapwa Pilipino nila. Pasakay na ako ng jeep para umuwi nang nakita ko ang isang restaurant sa aking harapan. Kumakalam na naman ang aking tiyan. Makakain nga muna.

Isang order ng large french fries at isang mainit na kape, swak na ito para sa maliit kong sikmura. Nagdesisiyon akong kainin ang aking binili sa daan para hindi na din masiyadong gabihin o umagahin. Delikado na. Mas maraming masasamang tao sa mundong ito.

Habang kumakain at naglalakad sa overpass, mayroon akong napansin na isang bagay na dapat ay wala sa lugar na iyon. Minsan, nakakainis maawa dahil pakiramdam mo ay wala ka namang magagawa. Pero mas mabuti na sigurong subukan kesa tuluyang pakawalan ang pagkakataon at magsisi sa bandang huli.

Ang mga natitirang piraso ng french fries sa pulang karton na aking hawak-hawak at ang kalahating kape na kanina ay mainit ngunit naging maligamgam na hatid ng malamig na hangin sa paligid ay para bang nakatitig sa akin. Para bang sinasabi nito na dedmahin ang aking iniisip at pakainin na lang ang aking gutom na sikmura. Ngunit panalo pa din ang aking tumitibok na puso.

“Tay, pasensiya na ho. Nakain ko na ho yung kalahati e,” mahinang sabi ko habang dahan-dahang umuupo sa tabi ng isang matandang pilay, madumi ito at puno ng grasa ang buong katawan. Nanghihina na ito at para bang hindi na makatayo sa kinauupuan niyang karton na pawang nagsasabi sa lahat na iyon ang kanyang teritoryo sa overpass na iyon.

Ngumiti lang ang matanda at dahan-dahang sinubo ang aking binigay na pagkain. Ilang saglit lang ay tumayo na ako at nagsimula na ulit maglakad sa para bang napakahabang overpass na iyon. Bago pa man ako makahakbang pababa ng sirang escalator, isang tinig ang aking narinig na nagpataba muli ng aking puso.

“Anak, salamat! Mag-iingat ka sa pag-uwi mo,” hirap na sigaw ni tatay na nasa overpass. Lumingon ako sa kaniya at ngumiti. Kumaway ako na nagsasabi na aalis na ako at tuluyan ng bumaba sa sirang escalator. Walang anuman ho ‘tay.

Hindi ko akalain na punuan pa din sa jeep ng mga ganitong oras. Pambihira. Pilipinas nga naman.

“Hoy! Bumaba ka diyan! Bawal ang sumabit sa jeep ko! Alis! Baba! Baba!” galit na sabi ng driver sa batang sumabit sa likod ng kaniyang jeep. Hindi bumaba ang batang lalaki, sa halip ay ngumiti lang ito na para bang nang-aasar.

“Sinabi ng bumaba ka e! Bubugbugin kita! P*@$%# @!a mo ha!” galit na dugtong ng mainit na ulo na jeepney driver. Umakto itong bababa sa jeep na minamaneho. Ang mga pasahero ay nakatingin lang sa bata. May halong inis ang mga tingin nito at ang iba naman ay para bang nanunuod lang ng teleserye sa telebisyon. Tutok na tutok.

“Kuya, ako na lang ho ang magbabayad ng pamasahe niya,” sabi ng isang tinig na nasa harap ko. Isang binata na naglalabas na ng bariya galing sa kanyang pitaka. Pinaabot nito ang mga barya sa katabi. Natahimik ang driver at bumalik na sa pagmamaneho. “Boy, huwag ka ng sumabit. Umupo ka na diyan. Madisgrasiya ka pa niyan e,” sabi nito sa bata. Ngumiti ang bata at sinabing, “Salamat kuya!” at nginitian din siya nito. Nakakatuwa naman, hindi ko mapigilang mapangiti.

11:32pm. Matapos ang twenty minutes na byahe, pumara na ako. Muntik na akong matisod ng bata na nakaupo sa hagdan ng jeep. “Sorry po ate,” magalang na sabi nito. Hinawakan ko saglit ang ulo ng bata at sinabing, “Sige na. Umupo ka na dun sa loob.” Nagkangitian kami at tuluyan ng umandar ang jeep.
Naglalakad ako sa maputik at madilim na eskenita na kailangan kong daanan bago makarating sa street ng aming bahay.  May nakaabang na tatlong lalaki sa daan, naninigarilyo at tahimik na nag-uusap. Nakaramdam ako ng kaba sa aking puso.

“Hi Ms.” sabi nito ng isa sa mga ito. Hindi ko na sinubukan pang tumingin sa kanila at pinagpatuloy ang aking paglalakad sa paraang hindi nila mapapansin na nagmamadali na akong makaalis sa eskenita na iyon. Patuloy ang mabilis na pagtibok ng aking puso.

Alam ko. Nararamdaman ko. Nakasunod ang tatlong lalaki sa aking mga hakbang. Nagbubulungan ang mga ito. Nagtatawanan. Hindi na ako makahinga ng maayos dahil sa kaba na nararamdaman ng aking puso.

“Ms. Nagmamadali ka ba? Maaga pa o,” malokong sabi ng isa sa mga ito. “Pasensiya na ho. Hinahanap na ho ako sa amin e,” sabi ko, tuloy pa din ang paglalakad. Hinablot ng isa sa mga ito ang aking kaliwang braso habang ang isa naman ay kinuha ang aking bag. Hindi na ako makahinga dahil sa kaba.

 “Kuya, please. Kunin niyo na lang ho lahat ng gamit ko. Sa inyo na ho iyan,” nanginginig na sabi ko. “Wag niyo lang ho akong saktan, maawa na ho kayo.” Tuluyan ng tumulo ang mga butil ng tubig sa aking puyat na mga mata. Sandali na lang at tuluyan na din akong mawawalan ng hininga.

“Hindi ka naman naming sasaktan e. Papasiyahin ka pa namin,” maangas na sabi nito.

Bago pa ako makatakbo dahil sa takot, nakaramdam ako ng hapdi sa aking kaliwang tagiliran. Kinapa ko ito at nakita ko ang pulang likido galing sa sugat na gawa ng pagkabaon ng isang matalim na bagay. Bago pa ako makasigaw ay nakaramdam naman ako ng malakas na pwersa na tumama sa aking kanang pisngi. Unti-unti ay nagdilim ang aking paningin.

STFUBISH

Rakista. Isang salitang naimbento ng mga rakista. Ang mga rakista ay mahihilig sa mga mabibigat na bagsakan ng mga kanta.

Mayroon akong kilalang rakista. Siya ay si Mr. Rakista.

Noong bata pa si Mr. Rakista, isa siyang maputing bata. Ngunit ngayong labing-pitong taon na siya, siya’y kayumanggi na. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kutis niya. Ngunit mas bumagay naman ito sa kanya.

Si Mr. Rakista ay tulad ni Ely Buendia. Kulot. Matangkad. Mapayat. Isang rakista.

Si Miggy Chavez, ang astig na bokalista ng isang banda na kung tawagin ay Chicosci ang isa sa mga iniidulo niya. Tulad nito ay magaling rin magpa-amo si Mr. Rakista ng kanyang munting kaibigan na kung tawagin ng lahat ay si Skateboard.

May hikaw na itim si Mr. Rakista, tig-isa sa dalawa niyang tenga. At may isang hikaw na mahaba ang matibay na nakakapit sa kaniyang binutasang dila.

May dalawang permanenteng kambas sa kanyang patpating katawan; isa sa may bandang kanang tenga at isa sa may bandang pulso ng kanyang kanang kamay. “Tol, magpapatattoo pa ulit ako. Aantayin ko lang ang pag-uwi ni erpat para libre,” sabi niya noong minsan kami ay nakapag-usap.

Walang gerlpren si Mr. Rakista. Marami siyang tsiks ngunit hindi pa raw niya nakikita ang babaeng makakapagpatibok ng kaniyang munting puso.

Ang utak niya ay parang si Lourd ng The Word of the Lourd. Hindi nauubusan ng iba’t-ibang uri ng mga paksa upang magpagdebatehan. Nakakatanga. Nakakaloko. Akala mo ay utak g*go ngunit mayroon din palang angking talino.

Si Mr. Rakista ay mahilig sa mga Indie Film. Astig daw ang mga ito. Sa katunayan, pagiging isang direktor ng mga indie films ang isa sa kanyang mga pangarap.

Mahina ang baga ni Mr. Rakista ngunit patuloy pa din ang pagbuga niya ng mga usok galing sa mga stick ng yosi tulad ng patuloy na mabibigat na bagsak ng kanyang mga daliri sa mga guhit ng alambre sa kaniyang gitara.

Gamit ang mga malalalim na salita, nailalabas ni Mr. Rakista ang mga bagay na nais niyang iparating sa kanyang kapwa. Gamit ang dating dilaw na ngayon ay itim na gitara, napapamalas niya ang angking galing sa pag-gawa ng kanta.

Si Mr. Rakista ay isang tahimik na rakista.

Sa entablado, isa siyang bahista. Ang dating niya ay misteryoso. Suplado. Palamura. Maporma. Rebelde. Babaero. Isang walang imik at walang kwentang tao. Hindi mo malalaman kung ano na ang tumatakbo sa nakatagong utak nito. Astig.

Walang permanenteng instrumento ang banda ni Mr. Rakista. Minsan habang ako ay nanunuod ng kanilang Gig, tumagal sila sa entablado gawa ng panghihiram nila ng mga instrumento na ginamit ng mga kapwa nilang rakista. Pakapalan na lang raw ng mukha manghiram para sa astig nilang pangarap.

Madalas ding kinakapos sa arep silang magkakabanda. Pare-parehong mga estudyante kaya wala pang permanenteng mapagkuhaan ng malaking halaga ng arep para sa pangrenta ng estudyo upang sila ay makapag-ensayo. Pakapalan na lang raw ng mukha mangutang para sa astig nilang pangarap.

Simula ng magkabanda si Mr. Rakista, gabi na siya nakakauwi sa kanilang munting tahanan. Para makaiwas sa gastos, nagbabaon siya ng kanin at ulam upang mapakain ang kanyang madalas ay gutom na sikmura. Madiskarteng utak raw ang kailangan para sa astig niyang pangarap.

Ngunit sa likod ng entablado, isang simpleng tao si Mr. Rakista. Isang pasaway na estudyante. Isang astig na kaibigan. Isang tahimik na anak. Isang makulit na kapatid. Isang malambing na amo sa kaniyang mga aso. Isang totoong tao.

Hindi ko alam kung hanggang kalian kakapit si Mr. Rakista sa kaniyang astig na pangarap. Hindi ko alam kung hanggang saan ang kaniyang mararating patungo sa astig niyang pangarap.

Ang importante, hangga’t nakikita ko pa ang ngiti sa mga labi ng aking kapatid na hatid ng kanyang pagiging rakista ay susuportahan ko siya. Marahil ay ganoon din ang gagawin ng aking matibay na ama, butihing ina, mabait na kamukha at malalambing na aso.

Si Mr. Rakista ay ang aking bunsong kapatid.

O, ano pa ang hinihintay mo? Rakrakan na!!!

Uso ang Makiuso

Uso.
Ang daming umuuso.
Hindi nauubusan.
Laging may bago.

Lingon sa kaliwa,
may bagong uso.
Lingon sa kanan,
may bagong uso.

Kapag lumingon ka sa likod,
puro laos.
Kapag tumingin sa harap,
puro bago.

Sa dami ng umuuso,
ang daming nakikiuso.
Para daw sa lahat,
kahit kanino.

Ayaw magmukhang jologs
kaya nakikiuso.
Basta may bagong uso,
Go Sago!

E paano na ang mga nalaos
na naging parte ng buhay mo?
E ang tunay na laman ng iyong puso?
Tuluyan na bang ipapalamon sa tukso?

Hay, puso.
Kawawang puso.

Hintayin mo na lang ang araw na muli ikaw ay umuso.
O ang araw na umuso ulit ang pagiging totoo
sa sarili ng mga tao na ngayon ay abala makiuso.

Buhay ng mga Buhay

Ikalabing-dalawa ng Pebrero, taon ng dalawang libo at pito.

Kasalukuyang parte ng kasadsaran ng traffic sa Pilipinas.

Ang dapat na madilim na gabi ay lumiliwanag dahil sa iba’t ibang ilaw hatid ng sari-saring mga sasakyan sa kalsada. Bilang ang para sa mga mayayaman. Madami ang para sa may kaya at mahihirap. Pare-parehong bumubuga ng maiitim na usok galing sa maduduming tambutso ng mga ito. Kanya-kanyang pila. Kanya-kanyang busina na may halong inis dahil sa usad-pagong na andar ng mga kapwa sasakyan na magagaling sumingit sa makitid na daan.

Ang mga musmos na bata ay naglalaro sa gilid ng kalsada. May mga bakas ng totoong ngiti sa kanilang mga labi. Masasaya. Mga inosente. Mga walang iniisip. Mga walang pakialam.

Sa loob ng isang maliwanag na Jeepney na naiilawan din ng sari-saring kulay na hatid naman ng mga maliliit na bumbilya, puno ng kaniya-kaniyang paksa ang tahimik na tumatakbo sa mga utak ng mga taong nakasakay rito. Kaniya-kaniyang emosyon. Kaniya-kaniyang kwento ng buhay. Kaniya-kaniyang problema na dapat lutasin. Kaniya-kaniyang misyon na dapat gawin.

Sa dulo ng Jeep, isang lalaki at isang babae na magkakilala ang magkatabi at mahinang naguusap tungkol sa mga nangyari sa kani-kanilang araw. Mga estudyante sa isang unibersidad ng kolehiyo. Sa matatamis na tinginan at masasayang ngiti ng mga ito, pawang unti-unti ay nagkakahulugan sila ng loob.

Katabi ng mga ito ang isang babaeng may kalusugan. Mag-isa ito at hindi mapigilan ang sarili na makatulog dahil sa sobrang pagod. Base sa kanyang unipormeng suot, isa siyang empleyado sa isang mall. Ang bawat hininga na kaniyang inihihinga, ang bawat dahan-dahang pagmulat ng kaniyang mga mata sa tuwing magpepreno ng biglaan ang jeepney at ang bakas ng pagkapagod sa kaniyang mukha ay pawang nagpaparating na siguro ay sawa na siya sa pang-araw-araw na ginagawa upang makakuha lamang ng pera.

Katabi naman nito ang isang ina na pawang may malalim na iniisip. Siguro ay may sakit ang kaniyang anak o kaya naman nagiisip kung ano na ang mga nangyari sa mga ito dahil wala siya sa bahay upang ito’y bantayan.

Katabi nito ang isang napakagandang dalaga. May dala-dala itong malaking bag na nakapatong sa mga hita nito. Pasimpleng nagtetext. Siguro ay nagpapasalamat sa mga kaibigan nito pagkatapos ng isang masayang araw ng paglangoy sa isang resort.

Katabi naman nito ay isang kalbong lalaki. Nakaputi ito. Nakikita ko sa kaniya ang isang pamilyar na itsura na nakatatak sa balot ng isang klase ng bareta ng sabong panglaba. Dala nito ang isang masayang aura. Nakangiti. Siguro wala silang away ni misis. O kaya naman nakatanggap ng bonus galing sa boss nito.

Kaharap nito ang dalawang babaeng masayang nagkukwentuhan. Nasa edad bente anyos na ang mga ito kung titignan. May halong kilig ang mga tawanan nila. Siguro ay sinurpresa ng kasintahan ang isa sa kanila at kinikilig na kinukwento ang mga nangyari sa kanyang matalik na kaibigan.

Katabi ng isa sa mga ito ang kasasakay palang na maliit na babae. Ngunit may pusong lalaki. Masaya din ang aura nito tulad ng Mr. Malinis. Siguro ay natanggap na din ng kaniyang mga magulang ang tunay na siya o kaya naman ay sinagot na siya ng babaeng nililigawan niya.

Katabi nito ang isang matipunong lalaki. Astig ang dating. Singkit at maputi. Seryoso at parang pagod. Namumula ang mga mata nito. Parang sabog. Siguro ay nakainom ito ng alak. Siguro ay naghiwalay sila ng kaniyang kasintahan.

Katabi naman nito ang isang babae na parang sabik na makauwi sa munting tahanan at makasama ang pamilya. Siguro ay binigyan ito ng day-off ng kanyang amo.

Sa may unahan ng jeepney, si manong driver ay panay ang sigaw ng mga katagang “Zapote! Zapote! Maluwag pa! Zapote!” Siguro ay pagod na naman siya. Siguro ay hindi pa umaabot ang kita niya para sa boundary ng minamaneho niyang jeep. Siguro ay naiinis na din siya dahil sa tindi ng traffic sa Pilipinas.

Sa kabilang dulo ng jeep ay ako ang nakaupo. Naiinis na dahil sa usad-pagong ng galaw ng mga sasakyan at sinabayan pa ng nagrereklamo kong sikmura. Natutuyo na ang laway dahil sa walang makausap. Durog na ang utak sa kakaisip kung mali ba talagang magkagusto sa isang lalaki na talaga namang pakiramdam ko ay may malaking parte sa aking buhay ngunit ngayon ay ligal ng nakatali sa buntis na misis sa pangalawang anak nila.

Ang dapat na madilim na gabi ay lumiliwanag dahil sa iba’t ibang ilaw hatid ng sari-saring mga sasakyan sa kalsada. Bilang ang para sa mga mayayaman. Madami ang para sa may kaya at mahihirap. Pare-parehong bumubuga ng maiitim na usok galing sa maduduming tambutso ng mga ito. Kanya-kanyang pila. Kanya-kanyang busina na may halong inis dahil sa usad-pagong na andar ng mga kapwa sasakyan na magagaling sumingit sa makitid na daan.

Ang mga musmos na bata ay naglalaro sa gilid ng kalsada. May mga bakas ng totoong ngiti sa kanilang mga labi. Masasaya. Mga inosente. Mga walang iniisip. Mga wala pang pakialam. Wala pa.