Patawad.
Isang salita na kung aking banggitin ay medyo labas sa
aking nararamdaman ngayon. Hindi ko din alam kung ito ba yung tamang salita
para maipadama sa iyo yung kabang nararamdaman ko. Ngayon lang ako kinabahan ng
ganito. Ngayon lang at sa unang pagkakataon, alam ko kung bakit.
Hindi ko naman ginusto ito. Ang buong akala ko, wala
lang. Yun pala, malaking bagay na talaga sayo. Wala naman akong kasalanan
ngunit parang ipinapadama mo na kailangan ko ng makulong sa loob ng isang
libong taon dahil sa bagay na hindi naman ako ang may gawa. Hindi ako ang may
mali. Wala akong kasalanan.
Pero patawad na din dahil ganito ako. Patawad dahil hindi
ko mabago ang aking sarili. Hindi ganoon kadali iyon. Mahirap. Para bang
nakikipagtitigan ka sa isang box ng tsokolate pero diet ka. Yung oras na katabi
mo yung aso mo na nagpapapansin sayo ng naka-puppy eyes at
nakikipagpustahan ka sa sarili mo na huwag silang pansinin ng buong araw. Para
bang pinipilit mong hindi kiligin kapag nakikita mo yung crush mo. O yung
pagkakataon na gustong-gusto mo siyang lapitan dahil malungkot siya at alam mo
sa sarili mo na kaya mo siyang pasayahin ang kaso, hindi mo magawa dahil hindi
ka niya kilala.
Mahirap. Sobrang hirap.
Hindi ko alam kung paano ako makakabawi. Hindi ko alam
kung ano pa ang pwedeng mangyari. Hindi planado ang lahat. Hindi ko alam kung
bakit naging ganito ang daloy ng alon ng ating mga buhay. Pero sana
maintindihan mo na ako lang ito. Ako lang. Magka-iba tayo. At kung
ikukumpara ako sa iyo, taob ako.
Taob ako dahil isa akong walang kwentang tao.
Sa huling pagkakataon, patawad.