Rakista. Isang salitang naimbento ng mga rakista. Ang mga
rakista ay mahihilig sa mga mabibigat na bagsakan ng mga kanta.
Mayroon akong kilalang rakista. Siya ay si Mr. Rakista.
Noong bata pa si Mr. Rakista, isa siyang maputing bata.
Ngunit ngayong labing-pitong taon na siya, siya’y kayumanggi na. Hindi ko alam
kung anong nangyari sa kutis niya. Ngunit mas bumagay naman ito sa kanya.
Si Mr. Rakista ay tulad ni Ely Buendia. Kulot. Matangkad.
Mapayat. Isang rakista.
Si Miggy Chavez, ang astig na bokalista ng isang banda na
kung tawagin ay Chicosci ang isa sa mga iniidulo niya. Tulad nito ay magaling
rin magpa-amo si Mr. Rakista ng kanyang munting kaibigan na kung tawagin ng
lahat ay si Skateboard.
May hikaw na itim si Mr. Rakista, tig-isa sa dalawa
niyang tenga. At may isang hikaw na mahaba ang matibay na nakakapit sa kaniyang
binutasang dila.
May dalawang permanenteng kambas sa kanyang patpating
katawan; isa sa may bandang kanang tenga at isa sa may bandang pulso ng kanyang
kanang kamay. “Tol, magpapatattoo pa ulit ako. Aantayin ko lang ang pag-uwi ni
erpat para libre,” sabi niya noong minsan kami ay nakapag-usap.
Walang gerlpren si Mr. Rakista. Marami siyang tsiks
ngunit hindi pa raw niya nakikita ang babaeng makakapagpatibok ng kaniyang
munting puso.
Ang utak niya ay parang si Lourd ng The Word of the
Lourd. Hindi nauubusan ng iba’t-ibang uri ng mga paksa upang magpagdebatehan.
Nakakatanga. Nakakaloko. Akala mo ay utak g*go ngunit mayroon din palang
angking talino.
Si Mr. Rakista ay mahilig sa mga Indie Film. Astig daw
ang mga ito. Sa katunayan, pagiging isang direktor ng mga indie films ang isa
sa kanyang mga pangarap.
Mahina ang baga ni Mr. Rakista ngunit patuloy pa din ang
pagbuga niya ng mga usok galing sa mga stick ng yosi tulad ng patuloy na
mabibigat na bagsak ng kanyang mga daliri sa mga guhit ng alambre sa kaniyang
gitara.
Gamit ang mga malalalim na salita, nailalabas ni Mr.
Rakista ang mga bagay na nais niyang iparating sa kanyang kapwa. Gamit ang
dating dilaw na ngayon ay itim na gitara, napapamalas niya ang angking galing
sa pag-gawa ng kanta.
Si Mr. Rakista ay isang tahimik na rakista.
Sa entablado, isa siyang bahista. Ang dating niya ay
misteryoso. Suplado. Palamura. Maporma. Rebelde. Babaero. Isang walang imik at
walang kwentang tao. Hindi mo malalaman kung ano na ang tumatakbo sa nakatagong
utak nito. Astig.
Walang permanenteng instrumento ang banda ni Mr. Rakista.
Minsan habang ako ay nanunuod ng kanilang Gig, tumagal sila sa entablado gawa
ng panghihiram nila ng mga instrumento na ginamit ng mga kapwa nilang rakista.
Pakapalan na lang raw ng mukha manghiram para sa astig nilang pangarap.
Madalas ding kinakapos sa arep silang magkakabanda.
Pare-parehong mga estudyante kaya wala pang permanenteng mapagkuhaan ng
malaking halaga ng arep para sa pangrenta ng estudyo upang sila ay
makapag-ensayo. Pakapalan na lang raw ng mukha mangutang para sa astig nilang
pangarap.
Simula ng magkabanda si Mr. Rakista, gabi na siya
nakakauwi sa kanilang munting tahanan. Para makaiwas sa gastos, nagbabaon siya
ng kanin at ulam upang mapakain ang kanyang madalas ay gutom na sikmura. Madiskarteng
utak raw ang kailangan para sa astig niyang pangarap.
Ngunit sa likod ng entablado, isang simpleng tao si Mr.
Rakista. Isang pasaway na estudyante. Isang astig na kaibigan. Isang tahimik na
anak. Isang makulit na kapatid. Isang malambing na amo sa kaniyang mga aso.
Isang totoong tao.
Hindi ko alam kung hanggang kalian kakapit si Mr. Rakista
sa kaniyang astig na pangarap. Hindi ko alam kung hanggang saan ang kaniyang
mararating patungo sa astig niyang pangarap.
Ang importante, hangga’t nakikita ko pa ang ngiti sa mga
labi ng aking kapatid na hatid ng kanyang pagiging rakista ay susuportahan ko
siya. Marahil ay ganoon din ang gagawin ng aking matibay na ama, butihing ina,
mabait na kamukha at malalambing na aso.
Si Mr. Rakista ay ang aking bunsong kapatid.
O, ano pa ang hinihintay mo? Rakrakan na!!!