Pahigop-higop
lang ng kape si Gino. Wala kasi siyang magawa. Walang pumapasok sa isip niya kaya
wala siyang magawa. Maya’t-maya, humihithit siya sa stick ng sigarilyo na
pawang binubusog ang kumakalam niya nang sikmura. Nakaka-isang kaha na siya
simula ng umupo siya sa paborito niyang lugar ng kanyang bahay,
mahigit anim na oras na ang nakakaraan. Bawat usok ay may katumbas na
tanong. Bawat upos ay may katumbas na kalituhan sa kanyang isip.
'T@*g I%a Gino! Tutunganga ka na lang ba? Isip. Mag-isip ka nga!
Kanina pa niya naririnig ang sarili. Sa magkabilaang tainga, naririnig niyang minumura siya ng paulit-ulit ng sarili niyang kaluluwa. Inuulanan na siya ng mura ngunit wala siyang magawa dahil alam niyang tama ang kanyang naririnig, tama ang kanyang sarili na dapat siyang mag-isip. Na dapat niyang paganahin ang kanyang utak at huwag hayaang matapos ang araw na ito ng wala na namang matinong naisulat.
Ang pagsulat ng mga sari-saring kwento ang kinabubuhay ni Gino at hindi maitatangging naiangat siya nito mula sa kahirapan. Nakasulat na siya ng tatlong libro sa pamamagitan ng mga pinagtagpi-tagping kwento ng mga kung sinu-sinong likhang-isip na tao na walang kamalay-malay na magiging parte sila ng buhay niya.
Bumenta sa mundo ng mga salita ang tatlong libro na ginawa niya
na kung tutuusin ay hindi naman talaga sa kanya. Hindi niya kwento ang mga
laman nito kundi kwento ng buhay ng ibang tao na hindi niya personal na kilala.
Mga inimbentong kwento ng buhay na alam niyang sa ibang banda ay maituturing na
totoo dahil may mga nakaranas na nito o di kaya’y may makakaranas pa lang.
Ganoon naman ang lahat ng kwento, may parteng totoo at posibleng mangyari at
mayroon din namang gawa-gawa lang at imposibleng mangyari sa totoong buhay –
depende na nga lang kung paano mo ito iintindihin at sasaloobin.
Mahusay sumulat si Gino kung kaya’t pumutok ang pangalan niya matapos lumabas ang
kanyang unang libro at sa loob ng isa’t kalahating taon, natapos niya ang
pangalawa at pangatlo pa na siya rin namang umayo ng parangal at magagandang
komento galing sa iba’t-ibang propesiyonal na mga manunulat. Di kalaunan ay
napabilang siya sa listahan ng mga bagong manunulat na may angking galing at
talino.
Ngunit dumating na ang kanyang kinakatakutan. Humihingi na ang
kanyang mga mambabasa ng bago. Iyong tipong mas kapani-paniwala dahil totoo,
iyong tipong mas personal. Iyong tipong Maalaala
Mo Kaya ang bagsakan. Iyong tungkol sa kanya, iyong kwento ng buhay niya.
At ngayon ay halos sumirit na ang mga dugo sa kaibuturan ng
kanyang utak dahil wala siyang maisip na magandang kwento tungkol sa buhay
niya. Nagsusulat siya ng kwento ng iba ng walang kahirap-hirap, na kahit antok
na antok na siya ay di pa rin niya mapagilan ang sarili na magsulat dahil sa
dami ng naiisip niyang pangyayari na maari niyang idagdag sa ginagawa niyang
kwento.
Pero sa pagkakataong ito, iba. Kahit anong pilit niyang pigain
ang utak na namumutla na dahil sa pag-iisip ay hindi niya magawang isipan ng
mga salita na magbibigay ng tamang timpla sa magulo at wasak niyang buhay dahil
pakiramdam niya mahuhubaran siya kapag ginawa niya ito at lahat ng taong may
pakialam sa kanya ngayon, sa isang iglap ay mawawala ng parang bula dahil
makikita nila kung sino ang totoong Gino sa likod ng taong minahal ng kanyang mga mambabasa.
Alam niyang hindi magugustuhan ng mga ito ang kwento ng
buhay niya. Alam niyang sa oras na matapos niya ito at ilabas sa lahat ng lugar
na nagtitinda ng mga libro ay malalaman ng lahat ang lahat ng sikretong
itinatago niya at para sa kanya, ang buong buhay niya ay isang napakalaking
sikreto. O di kaya’y isang malaking pagkakamali. O di kaya’y isang nakakalokong
kalokohan.
At ngayong gabi, tiyak siyang matutulog ulit siya ng walang nagawa tulad ng nangyari sa buong araw niya kahapon.
At ngayong gabi, tiyak siyang matutulog ulit siya ng walang nagawa tulad ng nangyari sa buong araw niya kahapon.
Bukas ng umaga, gigising siya at mag-aayos ng sarili.
Kakain. Magtitimpla ng kape. Hihithit ng sigarilyo. Mananatiling nakaupo at
mag-iisip sa simpleng upuan na may katernong isang simpleng lamesa kung saan
nakapatong ang luma ngunit gumagana pang typewriter na pamana sa kanya ng
kanyang lolo na naging manunulat din noong siya’y nabubuhay pa. Nakatapat ito sa
isang malaking bintana na walang kurtina na yari sa salamin upang hindi
matakpan ang magandang tanawin na binubuo ng mga bundok, puno, ulap, mga ibong humuhuni at nagliliparan at
iba pang bagay na may kinalaman sa buhay na kanyang pinapangarap; maganda,
masaya, tahimik at puno ng kulay.
Muli ay maririnig niyang minumura siya ng paulit-ulit ng
kanyang sariling kaluluwa.
Muli ay wala na
naman siyang maisusulat tungkol sa sarili niya.
Muli ay ikakahiya niya ang buhay niya. Noon hanggang ngayon.