"Tutoy,
tara na. Inaantay na tayo ni Ama sa bukid," sabi ni Ina sa akin habang
naglalakad palabas ng tagpi-tagping pinto ng aming bahay na gawa sa
tagpi-taping kawayan. Bitbit-bitbit niya ang mga nilutong kamote kanina, baon
daw ito para kay Ama na magdamag nagta-trabaho sa palayan. Ang iba naman ditto
ay susubukin niyang itinda sa ibang mga magsasaka para kumita raw ng kwarta
kahit papaano.
"Magmadali
ka nga diyan. Aba’y kalalaking tao e, ang bagal-bagal gumalaw." sabi nito
sa tonong dapat ay galit ngunit hindi naman maitono ng maayos ni Ina dahil sa
sobrang hinhin ng kaniyang pagsasalita.
"Opo Ina.
Magmamadali na po," magalang na sagot ko. Lumingon ako sa aking likod at
nakita kong mabagal na umiinom ng tubig sa lumang baso si Neneng, ang bunsong
kapatid kong babae.
Pito kaming
magkakapatid. Si kuya Nestor, ate Inday, at ate Rosaly ay may mga sarili ng
pamilya. Nakabukod na sila sa amin ngunit dahil sa hirap ng buhay at sa dami ng
mga anak, di nila mapigilan ang humingi pa din ng tulong kay Ama at Ina na siya
rin namang walang magawa kundi tumulong ng tumulong ng tumulong.
"Neng, tara
na! Baka magalit pa sila Ina kung magbabagal-bagal ka diyan." sabi ko sa
tonong galit ngunit hindi ko naman sinasadya. Kung si Ina hindi magawang
magalit, ako naman ata ay nagmana kay Ama na laging galit ang tono sa tuwing
nagsasalita.
Tumakbo si Neng
papunta sa akin at umangkas na sa aking likod. Dalawang taon palang si Neng,
labing-isa naman ako, pang-anim sa aming pito. Dapat ay hindi na itutuloy ni
Ina ang pagpapa-anak kay Neng dahil sa hirap ng buhay dito sa amin ngunit hindi
naman pumayag sila kuya at ate dahil masama daw maglaglag ng bata na nasa
sinapupunan na at sabi nga'y panghabang-buhay ka daw paparusahan kapag ito'y
ginawa mo. Buti nga kamo ay itinuloy nilang ipanganak si Neng kung hindi ay
wala akong mauutusan bumili ng tigpi-pisong pagkain kela aling Chora sa may
kabilang baryo.
"Inang,
alis na po kami." sigaw ko kay Inang Tesa na nasa loob ng kanyang kwarto.
Mag-aanim na put pito na si Inang, nanay ni Ama. Naalala ko pa noon noong
tatlong taon palang ako, lagi akong kanakantahan ni Inang para makatulog.
Maganda ang boses niya. Nakakawala daw ng pagod sabi nila kuya Tom at kuya
Jun sa tuwing kinakantahan naman sila nito tuwing galing sa bukid.
Ayaw ko sanang
sumama sa bukid ngayong araw dahil ayaw kong iwan si Inang mag-isa. Hirap na
kasi siyang maglakad, ni uminom ng tubig ay nahihirapan na din siya. Ang kaso
madaming dalang tindang kamote si Ina ngayon. Sabi niya ay mahihirapan siyang
makababa ng bundok mag-isa kaya kailangan ko raw sumama.
"Osige
'Toy. Magsi-ingat kayong lahat," pinilit na magsalita ni Inang. Matanda na
siya. Palagi na itong nagrereklamo sa sakit ng katawan na nararamdaman niya. Sa
tuwing tatanungin ko naman siya kung ano ang masakit sa kaniya, lagi naman
siyang tumatangging sabihin ito sa akin. Hindi ko na daw dapat malaman dahil
mamamatay naman na daw siya. Lagi ko siyang pinapagalitan sa tuwing sasabihin
niya iyong mga salitang iyon.
Nitong mga
nakaraang araw nga, habang tulog na ang lahat, lagi kong naririnig na
nagsasalita si Inang habang siya'y natutulog. Madalas ay tinatawag o kinakausap
niya si ‘Tang Jose, ang namatay na nitong asawa, at pinipilit niyang isama na
siya nito kung nasaan man daw ito napaparoon. Natatakot na nga ako minsan na
baka tuluyan na nga siyang isama ni Tatang. Buti nga kamo ay hindi pa dahil
ayoko pang mawala si Inang. Siya kasi ang lagi namin kasama ni Neng sa bahay sa
tuwing nasa bukid ang lahat.
“Babalik ho agad
kami ni Neng, Inang. Sasamahan ka po namin,” sabi ko at tuluyan ng umalis
habang karga-karga si Neng na nakasampa sa aking likod habang bitbit-bitbit ko
ang dalawang bilao ng kamote.
Dalawang oras
din kaming naglakad ng naka-paa bago makarating sa bukid. Minsan ay
pansamantala kong ibinababa si Neng sa pagkakakarga ko sa kaniya at ang
dalawang bilao na dala-dala ko upang tulungan si Ina sa pagbaba ng bundok.
Pinapabayaan kong maglakad si Neng minsan ngunit kinakarga ko din naman ulit
dahil sa bagal nitong maglakad. Baka abutin kami ng dilim kung nagkataon.
Matindi ang
tirik ng araw. Kahit ang hangin ay sobrang init din.
Sinalubong kami
nila kuya Jun-Jun at kuya Ton sa bukid na nagtatrabaho din. Sila lagi ang
tumutulong kay Ama sa bukid para daw makadami ng ma-aararo. Pagdating palang sa
may silong ay inayos na namin ni Ina ang pagkain na dala-dala. Umupo din naman
agad sila Ama at kinain ang ang pritong kamote. Ang ibang magsasak din ay
lumapit upang bumili ng kamote, ang iba naman ay nangutang pa. Sabi ay babayran
daw nila ito mamaya pagkatapos ng trabaho. Ipapaabot daw nila ito sa akin
mamaya. Hindi naman ito totoo. Iyong iba nga, sampung piso lang ang utang e
inaabot pa ng buwan bago makabayad. Paano ka nga ba makakapagbayad e madalas
kulang pa ang kita para makabili ng bigas pang-pakain sa pamilya mo. Wala
namang magawa sila Ina basta masabing ubos ang paninda, ok na. Hindi nila alam
na kahit maubos pa ang paninda niya araw-araw e mahina pa din ang kita hangga’t
hindi ito mabayaran ng mga nangungutang.
Tuloy-tuloy ang
tulo ng pawis nila Ama, kuya Jun at kuya Ton na pilit naman nilang pinupunasan
agad-agad ng dumumi nang damit. Labing siyam na si kuya Jun at labing anim
naman si kuya Ton. Lagi nang sinasabi ni Ama na sa susunod na buwan ay
tutulong na din daw ako sa pag-aararo. Pumapayag naman si Ina pero ayaw ko pa,
hindi dahil sa tamad ako ngunit dahil ayaw kong iwan si Neng at Inang sa bahay
ng silang dalawa lang. Hindi nila kaya iyon. Kailangan nila ako, lalo na si
Inang.
“Kung hindi ka
tutulong sa susunod na buwan sa pag-araro, hindi na kita patutulungin sa
pag-araro sa buong buhay mo. Sinasabi ko iyan sa iyo. Kaya kung gusto mo,
tumulong ka na ngayon palang,” sabi ni Ama sa akin habang kumakain. Hindi ako
sumagot.
Mabilis naubos
ang paninda ni Ina. Halos lahat ng bumili ay nangutang. Nangako na babayaran
ito bako sumapit ang gabi. Hindi totoo iyon.
Inutusan ako ni
Ina tumulong sa pag-aararo para matapos agad ang trabaho nila Ama ngunit ayaw
ko. Gusto ko ng umuwi agad kaya noong nagkaroon ako ng pagkakataon, ng malingat
si Ina sandal, ay binuhat ko si Neng. Isinampa ko siya sa aking likod at
tumakbo ako ng sobrang tulin. Gusto ko ng makauwi para samahan si Inang. Gusto
ko na ulit marinig ang mahinang awit nito at makatulog sa kaniyang tabi.
Ang dalawang
oras dapat na paglalakad ay natapos ko agad sa loob ng isang oras na pagtakbo.
Hingal kabayo kong ibinaba si Neng sa lapag at hinawakan niya ang aking kamay
para sabay kaming pumasok ng tagpi-tagpi naming bahay.
Hindi ako
makapagsalita dahil sa aming naabutan. Para bang tumigil ang aking mundo. Hindi
ako makahinga. Ang higpit ng hawak ni Neng sa aking kaliwang kamay ay para bang
nagsasabing utusan ko siya nang kung anoman ang dapat niyang gawin. Humagulgol
ito ng iyak at di ko mapigilan ang aking sariling lumuha.
Si Inang,
nakahandusay sa lapag ng aming tagpi-tagping tahanan. Sinundo na nga ata siya
ni Tatang Jose. Hindi ko na maririning ang maganda niyang mga awitin. Hindi ko
na siya makakatabi sa pagtulog.
Osige 'Toy.
Magsi-ingat kayong lahat. Ang
huling katagang binaggit niya. Bakit hindi ko naisip na baka ito na ang huling
habilin ni Inang para sa akin. Para sa aming lahat na maiiwan niya dito sa
magulong mundong ito. Ang tanga ko. Huli na ang lahat. Huli na.
Patuloy ang
aking pagluha. Nang lumapit ako at lumuhod sa tabi ni Inang, napansin kong
duguan ito. May maliit ng butas sa leeg nito gawa ng kung ano. Patuloy ang
paglabas ng dugo ni Inang. Patuloy ang aking pagluha ng nakarinig ako ng
malakas na pagputok nang kung ano kasabay ng mabigat na pagbagsak ng kung ano
sa likod ko.
Si Neng. Si Neng
ang nasa likod ko kanina. Lumingon agad ako at nanlaki ang mga mata sa aking
nakita. Si Neng ang bumagsak, duguan ito. Ang dalawa sa pinakamamahal kong tao
ay nakahandusay sa magkabilang dulo ng aming tagpi-tagping tahanan. Parehong
duguan. Parehong pinatay gawa ng malakas na pagputok ng isang bagay.
Nais ko pa
sanang umiyak dahil sa masakit na pagkawala nila Inang at Neng ngunit ng
makarinig ako ng kalabog sa madilim na gilid ng aming tahanan, sinubukan kong
tumayo kahit na nanlalambot na ang aking mga paa. Tatakbo ako. Tatakbo ako
papalayo sa magulong mundong ito. Sasabihan ko sila Ina , Ama, kuya Nestor, ate
Inday, Ate Rosaly, kuya Jun-Jun at kuya Ton na wala na sila Inang at Neng. Na
mag-ingat sila sa mga kalaban.
Ngunit may isang
lalaki ang biglang lumabas galing sa dilim at sinabi ang mga katagang, Anata wa
shinde iru. Hindi ko mawari kung ano ang ibig sabihin nito basta ba intinutok
niya sa aking ulo ang isang itim na bagay at ilang saglit lang...
“Babalik ho
agad kami ni Neng, Inang. Sasamahan ka po namin.”