Ha? Anong sabi mo?

Sa buhay, hindi laging ikaw ang tama. Tao ka, nagkakamali. Tulad ng lahat ng nasa paligid mo, hindi ka perpekto at alam kong alam mo iyon.

Katapat ng pagiging normal na tao ang mga bagay na hindi maganda tungkol sa iyo na kadalasan e mas nabibigyan pa ng halaga ng mga taong walang ginawa sa buhay kung 'di mangi-alam at makihithit ng tsismis sa mga kapwa matatalas ang mga dila at pandinig.

Hindi naman sa tsismosa ako sa lagay na ito, gusto ko lang ipamukha sa iyo na hindi sa lahat ng oras e gawa-gawa lang ang tsismis. Tandaan, may dalawang panig sa bawat tsismis na iyong maririnig: ang tinatawag kong "Dagdag Patak" (mga gawa-gawa lang na mas madalas na pinaniniwalaan) at ang totoo na puno't dulo ng lahat ngunit natambakan na ng mga  impormasyong hindi naman pinakikinggan. At sa bawat panig, importanteng maintindihan ang bawat isa upang mapagtanto ang tama sa mali at ng maisupalpal sa pagmumukha ng mga taong walang magawa na nangingialam na nga sila ng buhay ng iba. Nakakaawa.

Matalino ka at kung ikukumpara ang utak mo sa iba, may laban ka. Mataba ang utak mo, patunay lang na hindi ka tanga. Pero, wait! May isang bagay lang na gusto kong isampal sa pagmumukha mo ng paulit-ulit, pakaliwa at pakanan times one million and one, at iyon ay ang: USO ANG MAKINIG.

Huwag mo isarado ang iyong tainga sa opinyon ng mga tao sa paligid mo dahil madami ka pang hindi alam sa mundo. Matalino ka nga pero kung paiiralin mo ang katigasan ng ulo mo sa bawat salitang hindi mo gustong marinig, makakaligtaan mo ang mga bagay na dapat sana maiintindihan mo dahil ipinapaintindi na ito sa iyo ng buong mundo. 

E ang kaso, AYAW MONG MAKINIG kaya hindi mo maintindihan. AYAW MO dahil pakiramdam mo matatalo ka sa pakikipaglaban sa sarili mo. Nako, mahirap iyan!

Buksan mo ang tainga mo, pinag-uusapan ka na ng lahat. Huwag ka ng magpanggap pa na manhid ka dahil kahit ang sarili mo ay hindi na naniniwala. Alam mo ang totoo, oras na para ipaglaban mo ito. Tanggapin mo na sa sarili mo na kahit anong gawin mo, hindi mo na matatakasan itong kalupitan ng mundong tinatapakan mo.  

And just look on the brightside, my friend. Sa bawat opinyon ay may mga natatanging ideya na hindi magagawang isipin ng kahit sinong matalino, kahit pa ng isang tulad mo. Kapag sila'y nagsalita, may karapatan ka ding magsalita. Ganoon din kapag nakinig ka; pakinggan mo sila, papakinggan ka din nila. At kung hindi, at least binigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo na marinig ang mga bagay na dapat mong marinig. Tungkol sa iyo, laban sa iyo. At nang malaman mo na ang mga tsismo't tsimosa, kaibigan, ang totoong mga kalaban mo.

O, ano? Naririnig mo na ba?

Naririnig mo na ba sila?